DFA, pinamamadali na sa Manning Agency ang pagpapauwi sa 21 Pinoy seafarers

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 5795

Matapos bumiyahe ng mahigit isang libo at limang daang kilometro, mula New Delhi India, narating na rin ni Philippine Vice Consul JB Santos, kasama ang Indianong honorary consul, ang Kakinada Port, kung saan namamalagi pa rin ang dalawamput isang seafarers matapos umanong abandonahin ng isang Greek international company ang mga ito.

Halos dalawang linggo na rin ang nakakalipas matapos ipadala ng mga seafarers ang litratong ito sa UNTV para humingi ng tulong kaugnay sa hirap at problemanag kinahaharap nila.

Simula noon, nabuhayan ng loob ang mga seafarers dahil sa mabilis na aksyon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa pagbisita nina Vice Consul JB Santos, kinumusta ng kinatawan ng DFA ang kalagayan ng mga seafarers. Ipinaliwanag din sa kanila ang prosesong pagdadaanan para maayos na ang pagpapapauwi sa kanila sa Pilipinas.

Ayon pa sa napag-usapan, pinamamadali na ng DFA sa Evic Human Resources Management ang pagpapadala ng mga Indianong kapalitan doon.

Maliban sa tulong sa pagproseso ng mga papeles, may dagdag na ayuda rin na dala-dala ang DFA.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng grupo nila Captain Apao sa Evic Human Resources Management, siniguro ng agency na magpapadala ito ng mga kapalitan sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.

Mahigit isang daan at sampung araw na ngayon nang abandonahin umano ng isang Greek International Company ang mga Filipinong seafarers. Simula noon, kalbaryo na sa pang araw-araw ang nararanasan ng mga ito.

Kaya naman, sa pag-usad ng pag-aayos ng mga kaukulang papeles, nanatiling matatag ang mga seafarers habang hinihintay ang araw ng pag-uwi nila sa kanilang mga mahal sa buhay.

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,