DepEd XI, nilinaw na walang closure order para sa IP schools sa Davao del Norte

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 10679

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) Region XI na wala itong inilabas na closure order sa Salugpongan community schools sa Talaingod, Davao del Norte.

Ito ay matapos magkasundo ang mga tribal leaders sa Talaingod na ipasara ang Salugpongan learning center sa kanilang kumonidad dahil iba na umano ang mga itinuturo sa mga studyante.

Ayon kay Jenielito Atillo, tagapagsalita ng DepEd XI, valid pa rin ang permit ng Salugpongan learning center para makapag-operate sa nasabing lugar.

Sinasabing sa learning center umano balak dalhin ng grupo ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ang labing apat na menor de edad na kasama nila nang arestuhin sa checkpoint sa Barangay Sto.Nino, Tagalingod Davao del Norte madaling araw noong ika-29 ng Nobyembre.

Inaresto si Ocampo dahil wala umanong pahintulot ng mga magulang ang pagsama sa mga menor de edad.

Hinimok naman ng DepEd ang mga nagsasabing iba na ang itinuturo sa mga Lumad schools na maglabas ng ibidensya.

Nirerespeto naman ng DepEd ang desisyon ng mga tribal leaders at provincial government ng Talaingod na ipasara ang Salugpongan community schools.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng DepEd ang alternatibong paraan para hindi maantala ang pag-aaral ng mga Lumad sa lugar.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,