Ilang livelihood projects ang ilulunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Itogon, Benguet para matulungan ang mga minerong naapektuhan ng pagpapahinto ng pagmimina sa lugar.
Kabilang dito ang National Greening Program (NGP), cash-for-work, at maglulunsad din ng tinatawag na bantay gubat officers.
Ito ay matapos ang ipinatupad ng DENR na stoppage order sa mga small scale mining sa rehiyon dahil sa nangyaring landslide sa iba’t-ibang lugar dulot ng Bagyong Ompong na ikinasawi na ng halos limampung tao.
Ayon sa datos ng kagawaran, aabot sa limang daang minero mula sa sampung small scale mining company ang ligal at nabigyan ng special authority ng DENR para magsasagawa ng pagmimina sa Benguet, pero aabot sa mahigit isang libo ang sinasabing iligal na nagmimina sa lugar.
Sa kabila nito, hindi naman umano nagpabaya ang DENR para pigilan ang mga iligal na nagmimina doon.
Ayon sa kagawaran, limitado ang kanilang otoridad dahil private property ang malaking nasasakupan ng minahan.
Dahil sa geohazard situation ng lugar, dati pang pinapaalis ng DENR ang mga bunk house, pero nanatili ang mga minero at iba pang kasamahan sa lugar hanggang nangyari na nga ang trahedya.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Ompong, cash-for-work, DENR