Bilang paghahanda sa nalalapit na reopening ng Boracay Island sa ika-26 ng Oktubre, isang memorandum circular ang inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Laman nito ang lifting o pag-aalis ng suspensyon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng mga establisyemento sa Boracay Island.
Sa ilalim ng Memorandum Circular Number 2018-14 na nilagdaan ni DENR Secretary Roy Cimatu, lahat ng mga hotel at establisyimento sa isla na sumusunod sa mga panuntunan ng kagawaran ay maari nang mag-operate ng ligal sa oras na magbukas muli ang Boracay.
Ngunit patuloy aniya ang Environmental Management Bureau 6 na magmomonitor sa pagsunod ng mga ito sa environmental laws na ipinatutupad sa isla.
Hulyo 2016 nang suspindehin ng DENR ang ECC ng lahat ng mahigit sa 2,000 establisyemento sa isla matapos na makitaan ng mga paglabag ang ilan sa mga ito sa environmental laws tulad ng paglalabas ng waste water sa diretso sa dagat sa halip na padaanin sa mga treatment facility.
Sa pinakahuling ulat na inilabas ng Department of Tourism (DOT) noong nakaraang buwan, nasa 25 hotels at resorts pa lamang ang compliant sa lahat ng mga requirements ng DENR, DILG at DOT upang muling makapag-operate sa Boracay opening.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagsusumite ng mga requirements ng iba pang mga estblisyemento sa isla kung kaya’t posibleng madagdagan pa ito bago ang dry run na magsisimula sa ika-15 hanggang ika-25 ng Oktubre at ang mismong soft opening sa mga foreign and local tourists sa ika-26 ng Oktubre.
Buwan ng Abril nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang temporary 6-month closure ng Boracay dahil sa pagtaas ng coliform level sa tubig at pagiging cesspool umano nito.
( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )