Dengue kits, ipinamigay sa mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 2851

Sampung magulang ang nakipagpulong sa mga opisyal ng Department of Health ngayong araw, ito ay upang idulog ang kondisyon ng kanilang mga anak na Dengvaxia vaccinees. Ngunit hindi binuksan sa media ang naging pag-uusap.

Pasado alas kwatro ng hapon, bumaba si Secretary Francisco Duque III upang ipaalam ang napagkasunduan sa pulong. Karamihan sa mga idinulog sa kagawaran ay may kaugnay sa pagpapagamot o maibibigay na medical assistance sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Muling nilinaw ni Sec. Duque na wala silang babayaran at hindi rin sila sisingilin ng PhilHealth kung lagpas na sa dengue coverage ang bill ng kanilang mga anak dahil may nakahanda pang medical assistance fund ang DOH para sa mga vaccine. Bukod dito, namigay rin ang DOH ng dengue kits sa mga magulang.

Ang bawa’t dengue kit ay supply ng mga vaccinee na tatagal ng dalawa hanggang tatlong buwan. Ang mga nakaharap ng DOH ay kinatawan lang ng isang grupo ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Sa ngayon ay umaabot na  umano ng dalawampu’t walong libo ang miyembro ng naturang grupo upang makapagpamigay naman ang DOH ng dengue kits sa mahigit walong daang libong vaccinees, hihilingin ng kagawaran sa Office of the President at sa kongreso na magamit anim na raang milyong piso mula sa refund ng Sanofi Pasteur sa mga hindi nagamit na bakuna.

Aabot sa 1.2 billion pesos ang perang ibinalik ng naturang kumpanya sa pamahalaan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,