Matapos ang dalawang araw na delay, sinimulan na ng Kamara kahapon ang pagtalakay sa 2019 proposed national budget na nagkakahalaga ng 3.757 trilyong piso.
Noong Martes ng gabi, nagconvene ang Kamara bilang House Committee of the Whole, ibig sabihin ito ang may hurisdiksyon sa General Appropriations Bill, at hindi na ang Appropriations Committee.
Inaprubahan ng Committee of the Whole ang amended committee report ng panukalang pondo, kung saan inilipat na sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang natuklasang 51.7 bilyong piso na DPWH fund na una ng inilaan sa iilang congressional districts.
Anim na bilyong piso ang ibinigay sa Department of Health (DOH), 3 bilyong piso sa Department of Education (DepEd), 1 bilyon naman sa state colleges and universities, 31.5 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), 5 bilyong piso sa Department of Agriculture (DA) at 5 bilyong piso sa National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ompong.
Tags: 2019 proposed national budget, DOH, Kamara