Deliberasyon ng Kamara sa 2019 proposed national budget kahapon, hindi natuloy

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 4133

Maghapong naghintay ang mga opisyal at staff ng ilang ahensya ng pamahalaan kahapon dahil sa nakatakdang deliberasyon sa P3.757 trilyong piso na panukalang pondo ng bansa para sa susunod na taon.

Pero dahil sa tensyong nangyari sa executive session ng mga kongresista, hindi na ito natuloy.

Sa kasagsagan ng pagpupulong ng mga kongresista kahapon, tinalakay nila ang isyu ng limampung kongresista na nagreklamo sa opisina ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Ito ay matapos nilang matuklasan na may bilyon-bilyong pisong halaga ng pondo na nilaan sa kanilang distrito na nakapaloob sa 2019 proposed national budget na hindi pinaalam sa kanila.

Ayon sa source ng UNTV, nais ng house leadership na alisin ang natuklasang 50-bilyong pisong pondo at ipamahagi nalang ng patas sa lahat ng congressional districts, bagay na pinagtalunan umano ng mga kongresista.

Dahilan kaya nagkainitan sina House Committee on Appropriations Vice Chairman Rep. L-ray Villafuerte at House Majority Leader Rolando Andaya sa kasagsagan ng kanilang executive meeting.

Dahil dito, umugong ang balitang nais nang patalsikin si Nograles bilang chairman ng appropriations committee, bagay na tinanggi naman ni Andaya.

Ngayong araw ay nakatakadang ipagpatuloy ng Kamara ang deliberasyon sa 2019 proposed national budget upang maipasa nila ito sa ika-13 ng Oktubre bago ang filing ng certificate of candidacy para sa 2019 midterm elections.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,