Davao City Rep. Paolo Duterte, tatakbo na rin sa pagka-House Speaker

by Radyo La Verdad | July 2, 2019 (Tuesday) | 8509

Pormal nang inanunsyo ni Presidential son at Davao City Representative Paolo Duterte na tatakbo na rin siyang House Speaker sa 18th Congress.

Sa isang pahayag sinabi nito na nais niyang magkaroon ng Speaker mula Luzon, Visayas, Mindanao at Party-list group at sila ay maghahati-hati ng termino o term sharing. Ito umano ang nakikitang niyang solusyon upang magkaisa ang kamara.

Umaasa siya na ititigil na ng mga Speaker asppirant ang umano’y pang-iimpluwensya nito sa gabinete.

Handa naman ang administration party na PDP Laban na suportahan ang presidential son sa pagka House Speaker.

Ayon kay PDP Laban Executive Vice President Congressman Aurelio Gonzales, Jr. nakausap na niya si Marinduque Representative Lord aAllan Velasco at handa rin daw itong umatras sa laban para bigyang daan ang pagtakbo ni Congressman Pulong.

Si Velasco ang inendorso ng PDP Laban sa Speakership race.

“Nakausap ko na, nakausap ko na, basta si Cong. Pulong siya ang mag-Speaker lahat kami na kay Cong. Lord ay susuporta kami kay Congressman pulong.” Ani  Rep. Aurelio gonzales, Jr. ang Executive Vice President, PDP Laban sa isang phone interview.

Ayon pa kay Congressman Gonzales, tapos na ang house speakership race oras na totohanin ni Congressman Pulong ang kayang pagtakbo sa posisyon.

Hindi rin aniya isyu kung baguhang Kongresista ang batang Duterte dahil mapag-aaralan naman ang trabaho ng House Speaker.

“May experience na ‘yan naging Vice Mayor na ‘yan at siguradong malalaman rin niya ‘yan marami namang makakasama si Cong. Pulong.” Dagdag ni Rep. Aurelio Gonzales, Jr.

Pero ayon kay party list Coalition Spokesperson Cong. Alfredo Garbin importante parin sa isang lider ng Kamara ang kakayahan nito na pagkaisahin ang mahigit tatlong daang Kongresista. Kaya pag-uusapan muna nila ng kanyang mga kasama sa koalisyon kung ano ang magiging boto nila.

Ang Visayan bloc magpupulong umano sa Lunes upang pag-usapan ang panukala ng Presidential son na magkaroon ng Speaker mula sa rehiyon ng Visayas.

Samanatala tumanggi naman si aspirant Speaker Congressman Martin Romualdez na magbigay ng kumento sa pahayag ng Presidential son. Pero sa social media post ni Albay Representative Joey Salceda na una nang nagpakita ng suporta kay Romualdez, tiniyak niyang aatras na sa laban si Romualdez at makukuha ni Congressman Pulong ang mayorya ng boto ng mga Kongresista.

Wala pa naman inilalabas na pahayag sa ngayon ang isa pang Speaker aspirant na si Taguig Representative Alan Peter Cayetano.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , ,