Dating Presidential Spokesperson Roque, ‘di na tatakbo bilang senador

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 3184

Matapos na magkaroon ng personal na pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, nagdesisyon na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na ilaglag muna ang balak nitong tumakbo bilang senador sa 2019 midterm elections at susundin nito ang payo ng punong ehekutibo.

Tatakbo na lamang si Roque bilang nominee ng isang environment party-list dahil tanggap na nitong maliit ang tsansa niya na manalo sa senatorial race. Siya aniya ang first nominee at si Ciara Sotto, anak ni Senate President Tito Sotto, ang second nominee sa Luntian Party-list.

Itutulak umano ni Roque sa Kongreso ang nais ng Duterte administration na ipasara ang lahat ng open pit mining sa bansa.

Samantala, bagaman inalok siya ng Pangulo na maging press secretary, aminado si Roque na hindi siya ang best person sa naturang posisyon dahil sa kakulangan nito ng karanasan at training.

Binigyang-diin din nito na ngayong balik na siya sa pribadong buhay, magagawa na niyang ipahayag ang kaniyang sariling mga paninindigan at opinyon.

Gayunman, mananatili pa rin niyang suportado ang Duterte administration sa kabila ng mga kritisismong posible nitong ipahayag laban sa administrasyon sa hinaharap.

Nilinaw din ni Roque na wala siyang sama ng loob at pagsisisi sa pagiging tagapagsalita ng Duterte administration at in good terms pa rin sila ng punong ehekutibo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,