Dating no. 3 man ng PNP na si Marcelino Garbo, itinuturong padrino umano ni SPO3 Ricky Sta. Isabel

by Radyo La Verdad | January 20, 2017 (Friday) | 1124

LEA_DIMLAO
Tahasang tinukoy ni PSupt. Raphael Dumlao si retired PDDG Marcelo Garbo bilang padrino ni SPO3 Ricky Sta. Isabel.

Ayon kay Dumlao, ipinagmamalaki noon ni Sta.Isabel na bata sya ni Garbo kaya’t napasok sya sa directorate for intelligence.

Ito rin aniya ang posibleng dahilan kung kaya’t natanggap ito sa AIDG, subalit nilinaw nito na hindi sya ang tinawagan ni Garbo upang i-accomodate si Sta. Isabel.

Sinabi naman ni AIDG Director PSSupt. Albert Ferro na patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa kung sino ang nakausap ng heneral sa AIDG.

Samantala, kinumpirma na ng asawa ng Korean businessman na golf set ni Jee Ick Joo ang natagpuan sa Gream Funeral Service sa Caloocan nang magtungo ito sa AKG kanina.

Ayon sa legal officer nang AKG na si Atty. Dennis Wagas, ito ang ipinangbayad ng grupo ni Sta. Isabel sa punerarya para tanggapin ang bangkay ng biktima.

Aniya, malaking tulong ito sa isinasagawa nilang imbestigasyon laban sa grupo ni Sta. Isabel.

Ang golf set ay nakuha sa punerarya kagabi matapos na maghain ng search warrant ang AKG sa lugar.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,