Hinahamon ni dating MRT Gen. Manager Al Vitangcol III ang Office of the Ombudsman na bigyan siya ng mga counter affidavit nina DOTC Sec. Jun Abaya at iba pa kung kaya nitong panindigan na wala silang kasalanan sa nangyaring maanomalyang maintenance contract ng MRT noong 2012.
Ginigiit kasi ni Vitangcol, sa labing anim na opisyal mula DOTC at MRTC na inireklamo sa Ombudsman, siya lang ang kinasuhan sa Sandiganbayan.
Aniya karapatan niya na makakuha ng dokumento kinakailangan upang depensahan ang sarili sa mga kaso sa korte.
Matagal na humihingi si Vitangcol ng mga nasabing counter affidavit ngunit tumanggi ang Ombudsman na dahil aniya walang “good cause” o sapat ito na basehan.
Hindi rin daw entitled si Vitangcol sa mga nasabing dokumento dahil immaterial naman daw ito sa kaso niya.
Ayon kay Vitangcol, isang uri ng persecution o panggigipit ng Ombudsman ang hindi pagbibigay ng mga dokumento.
Aniya, bilang akusado, may karapatan siya sa ilalim ng saligang batas na dumaan sa due process ng korte.
Nakasuhan ng graft at paglabag sa government procurement law si Vitangcol sa Sandiganbayan dahil maintenance contract ng MRT noong 2012 na umano’y ibinigay niya sa kumpanyang Ph Trams.
May conflict of interest aniya dito dahil hindi sinabi ni Vitangcol na uncle in law niya ang isa sa incorporators ng Ph Trams.
Paliwanag ni Al Vitangcol III na mahalaga ang counter affidavit nina DOTC sec. Abaya at iba dahil ito aniya ang magpapawalang sala sa kanya. Giit nito, makikita sa mga dokumento na ang DOTC ang nagpruba sa pagaaward ng maintenance contract at hindi na ito sakop ng kanyang trabaho bilang general manager ng MRT.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)