Dating drug surrenderee sa Quezon City, arestado kabilang ang dalawa pa kaugnay sa pagbebenta ng shabu

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 2697

Balik sa kulungan ang isang drug surrenderee dahil sa umano’y pagbebenta ng shabu. Naaresto sa isinagawang buy bust operation ng Quezon City Police District sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City bandang ala una ng madaling araw kanina si Engelbert Peralta, 46 anyos.

Kasamang hinuli ang kanyang asawa na si Jean Peralta, 49 anyos, at ang kaibigan umano ng dalawa na si Ronnie Telan alyas Tangkad, 32 anyos.

Ayon sa mga otoridad, pangunahing supplier na iligal na droga ang mga suspek sa lugar.

Matapos umanong makumpirma ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Novaliches Police Station ang pagbebenta ng mga suspek ay agad na inaresto ang tatlo.

Nasabat sa mga suspek ang 19 na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 34,000 piso. Aminado naman ang mga suspek sa paggamit ng shabu ngunit itinanggi ang pagbebenta nito.

Pumalag pa ang mga suspek nang arestuhin ng mga pulis kaya nadagdagan pa ang mga kasong isasampa sa kanila.

Umaasa ang mga otoridad na mababawasan ang mga gumagamit ng iligal na droga sa lugar matapos ang pagkakaaresto sa mga suspek.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,