Dating Customs intel officer Jimmy Guban, pinaaaresto ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 3442

Sa kaniyang magkasunod na talumpati sa Malacañang kahapon, hinayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na inatasan nito si PNP Chief Director General Oscar Albayalde na arestuhin ang dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban.

Si Guban ay isa sa mga sinasabing sangkot sa mga katiwalian at anomalya sa Bureau of Customs (BOC), gayundin sa operasyon ng iligal na droga sa bansa partikular na ang 6.8 bilyong piso na halaga ng shabu shipment na ipinasok sa bansa sa pamamagitan ng magnetic lifters.

Batay sa special report na una nang ibinigay ni Pangulong Duterte sa media, nakikipag-ugnayan umano si Guban sa mga notorious na miyembro ng sindikato sa Taiwan at China.

Si Guban ay kasalukuyang nakadetene sa Senado matapos na ma-contempt sa Blue Ribbon Committee hearings dahil sa magkakaibang pahayag kaugnay ng 6.8 bilyong piso na halaga ng shabu smuggling.

Nakipag-ugnayan naman na si PNP Chief Albayalde kay senator Richard Gordon hinggil sa kustodiya ng ex-Bureau of Customs official.

Samantala, pinayuhan din ni Pangulong Duterte sina Customs Commissioner Isidro Lapeña at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na tigilan na ang pagsisisihan sa isa’t-isa.

Matatandaang, nagkaroon ng isyu sa pagitan ng dalawang opisyal kaugnay ng nakalusot na 6.8 bilyong piso na shabu shipment.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,