Nalusutan lang at hindi sangkot sa katiwalian, ito ang pagtitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dati niyang itinalagang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) na si Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag nang pangunahan nito ang 39th Masskara Festival sa Bacolod City, Negros Occidental, Sabado ng gabi.
Matatandaang nagbitiw sa pwesto si Faeldon sa kasagsagan ng kontrobersyal na 6.4 bilyong piso na halaga ng shabu shipment na nakalusot sa BOC noong Agosto 2017.
Samantalang kamakailan lang ay inilipat ni Pangulong Duterte si Lapeña bilang kalihim ng TESDA upang maiiwas naman sa mga intriga at paninira.
Kaugnay naman ito ng 6.8 hanggang 11 bilyong pisong halaga umano ng shabu shipment na nakalusot muli sa BOC gamit ang apat na magnetic lifter noong Agosto 2018.
Ayon sa punong ehekutibo, hindi siya naniniwalang tiwali sina Faeldon at Lapeña dahil kilala niyang personal ang mga ito.
Kasabay nito, muling nangatwiran si Pangulong Duterte kung bakit mga dating opisyal ng militar ang itinatalaga niya sa pwesto sa pamahalaan.
Hindi tulad aniya ng mga sibilyan na panay ang reklamo sa mga ipinapagawa sa pamahalaan, ang mga sundalo umano ay agad ang ginagawang pagsunod kung may ipinag-uutos siya.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )