Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, aapela sa desisyon ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 2618

Iaapela ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang desisyon ng Supreme Court sa kanyang quo warranto case.

Sa botong 8 to 6 nitong Biyernes, kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng solicitor general na patalsikin siya sa pwesto.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Josa Deinla, isusumite ni Sereno ang kanyang apela sa loob ng labinlimang araw pagkatanggap sa kopya ng desisyon.

Isang mahistrado lamang ang kailangang makumbinsi ni sereno na pumanig sa kanya upang mabaliktad ang desisyon. Batay sa panuntunan ng Korte, madi-dismiss ang isang kaso kapag tabla ang botohan ng mga mahistrado.

Samantala, iba-iba naman ang dahilan ng mga mahistradong tumutol sa desisyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, totoong may kasalanan si Sereno sa paulit-ulit na kabiguang magsumite ng kanyang SALN.

Pero dahil nasa pwesto na si Sereno, ang Kongreso lamang aniya ang may kapangyarihan upang tanggalin ito sa pwesto.

Para naman kay Justice Presbitero Velasco Junior, premature pa ang petisyon ng solicitor general, lalo’t hindi nabigyan ng pagkakataon ang judicial and bar council na repasuhin ang desisyon nito na kwalipikadong maging chief justice si Sereno. Dapat aniyang napawalang-bisa muna ang nominasyon ng JBC bago pinagbigyan ang quo warranto.

Ayon naman kay Justice Marvic Leonen, hindi man lang dapat pinatulan ng Korte Suprema ang petisyon. Kumbinsido itong dahil sa desisyon, ay hihina ang papel ng mga korte sa paghahatid ng hustisya at sa pagtatanggol sa batayang karapatan ng bawat isa.

Ikinahihiya naman ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang desisyon. Isa aniya itong pagpapakamatay ng walang dangal.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,