Dating Bureau of Customs Commisioner Nicanor Faeldon, inilipat na sa isang regular na selda sa Pasay City Jail

by Radyo La Verdad | January 30, 2018 (Tuesday) | 4029

Matapos ang halos limang buwan na pagkakadetine sa senado, inilipat na kaninang tanghali si dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa Pasay City Jail.

Sa bisa ito ng commitment order ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon. Nagtalaga rin ang Office of the Senate Secretary ng dalawang tauhan na magbabantay kay Faeldon.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, ilalagay muna sa isang hiwalay na selda si Faeldon ngunit itatrato ito gaya ng regular na detainee.

Masaya naman ang kampo ni Faeldon sa hakbang na ito ng senado. Muli rin aniya silang umapela sa Korte Suprema para sa kaniyang provisional release.

Nanindigan naman ang Malacañang na hindi sila makikialam sa isyu dahil naniniwala silang may kakayahan pa ring gampanan ni Faeldon ang tungkulin bilang deputy administrator ng Office of the Civil Defense kahit nasa bilangguan.

Matatandaang idinetine ng Blue Ribbon Committee si Faeldon dahil sa pagtangging dumalo sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y korapsyon sa Bureau of Customs.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,