Dating Air Force commander, bagong tagapanguna ng Philippine Coconut Authority

by Jeck Deocampo | December 24, 2018 (Monday) | 6071
Iginawad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Philippine Legion of Honor (PLOH) with the Degree of Commander kay dating Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lieutenant General Galileo Gerard Kintanar, Jr. sa isinagawang PAF Change of Command Ceremony sa PAF Multipurpose Gym, Villamor Air Base (VAB) sa Pasay City noong ika-21 ng Disyembre 2018. Kasama sa larawan si Defense Secretary Delfin Lorenzana. | PCOO\Rey Baniquet

 

PASAY CITY, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong tagapanguna ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang kareretiro lamang na commanding general ng Philippine Air Force na si Galileo Gerard Kintanar.

Inihayag ito ng Punong Ehekutibo nang pangunahan nito ang change of command at founding anniversary ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas sa Villamor Airbase sa Pasay City noong Biyernes.

“Just a few months but sabi ko, kailangan ko ng tao. And I am eyeing you. So when the time comes, and if I can get the mechanisms of how the money will be distributed to the beneficiaries, and if I look for somebody na talagang makita ko na ang pera ng Pilipino hindi mawawala, it should be the retired gen. Kintanar,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Si Kintanar ang pinakahuling former military official na binigyan ng mataas na pwesto sa pamahalaan ni Pangulong Duterte. Nauna sa kaniya sina Ret. Gen. Carlito Galvez na itinalaga bilang presidential peace adviser at si Former Army Chief Rolando Bautista bilang social welfare secretary, interior secretary.

Bilang bagong PCA chief, pangangasiwaan ni Kintanar ang pagtupad sa ipinangako ni Pangulong Duterte na maipamahagi ang bilyon-bilyong pisong halaga ng coco levy fund sa mga magsasaka. Hiniling din ng Punong Ehekutibo sa mga opisyal ng PCA na bumaba na sa kanilang pwesto upang bigyang-daan ang pamumuno ni Kintanar.

Bumaba sa pwesto si Kintanar bilang commanding general ng Philippine Air Force labingtatlong buwan pa ang layo mula sa kaniyang mandatory age of retirement sa January 2020.

 

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,