Dating AFP chief Carlito Galvez, itinalaga bilang bagong presidential peace adviser ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 2087

Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon sa 83rd Anniversary at Change of Command ceremony ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panibagong tungkuling ibinibigay nito sa kareretirong heneral at dating AFP chief of staff Carlito Galvez.

Si Galvez ang hahalili sa nabakanteng posisyon ng nagbitiw sa pwestong Presidential Peace Adviser na si Sec. Jess Dureza matapos masangkot sa katiwalian ang dalawa sa kaniyang mga subordinates.

Ayon sa punong ehekutibo, si Galvez ang pang-siyam na tauhan ng militar na itinalaga niya sa pwesto sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Si Galvez ang ika-50 AFP chief of staff at sa ilalim ng kaniyang walong buwang pamumuno, naitala ang ilang accomplishments ng AFP tulad ng pagpapaigting sa internal security operations.

Samantala, humalili naman kay Galvez bilang chief of staff ng AFP ang kasalukuyang pinuno ng Eastern Mindanao Command na si Lt. Gen. Benjamin Madrigal.

Naitalagang AFP chief of staff si Madrigal sa panahong maglalagay ng isang dibisyon ng Philippine Army sa Jolo, Sulu at pagbuo ng isang National Task Force na susugpo sa armadong pakikibaka ng mga rebeldeng komunista.

Inutusan ni Pangulong Duterte si Madrigal na ipagpatuloy ang nasimulan ng mga nauna sa kaniyang hepe sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,