Dalawang umano’y magnanakaw ng motorsiklo, patay sa engkwentro sa Quezon City

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 4521

Napatay ng mga tauhan ng Quezon City Police District o QCPD ang dalawang lalake na sinasabing nagnakaw ng isang motorsiklo sa Quezon City.

Nakilala ang isa sa suspek na si Emmanuel Melegrito habang inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng isa.

Ayon sa QCPD, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang complainant na tinangay ng dalawang suspek ang kaniyang motorsiklo sa Welcome Rotonda,

Agad naman iniradyo ng mga pulis sa kalapit istasyon ang insidente at nagkaroon sila ng drag net operation upang matunton ang mga suspek.

Namataan ng mga nagpapatrolyang pulis sa barangay Balingasa, Quezon City ang mga suspek sakay ng ninakaw na motorsiklo at nang aktong huhulihin ay nanlaban umano ang mga ito at nakipagbarilan sa mga pulis.

Matapos ang naging engkwentro, kinumpirma naman ng complainant na sa kaniya ang motorsiklo na dala ng mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang dalawang bag, dalawang baril at cellphone.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,