Dalawang sakay ng motorsiklo na naaksidente sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | January 1, 2018 (Monday) | 36522

Nakahandusay pa sa kalsada ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang sugatang lalake matapos maaksidente sa motorsiklo sa Camachile fly over sa Quezon City, pasado ala una kanina.

Kinilala ang mga biktima na sina Amil Peralta at Marcelo Reyes, 33 anyos ang mga edad na magka-angkas sa motorsiklo. Nagtamo si Peralta ng malubhang head injury habang si Reyes naman ay nagtamo ng malaking hiwa sa tuhod, gasgas sa magkabilang braso at halos maputol na kaliwang hinliliit ng kamay nito.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga pinsala ng biktima at pagkatapos ay dinala sila sa Manila Central University o MCU Hospital sa Caloocan.

Kwento ni Reyes, matulin ang takbo ng kanilang motorsiklo at pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada  ay nabangga sila sa barrier ng flyover, dito na sila tumilapon ng ilang metro.

Sa ngayon inoobserbahan sa pagamutan si Peralta habang patuloy ding nagpapagaling naman si Reyes.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,