Dalawang biktima ng aksidente sa tricycle sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | October 16, 2017 (Monday) | 4673

Pauwi na sana sila Analyn Samar, Albert Lagoreno at Suprecio Samar nang banggain ng isang kotse ang kanilang sinasakyang tricycle sa Sta. Fe Road Villa Billeta, Bacolod City pasado alas onse ng gabi noong Biyernes.

Sa lakas ng impact nagtamo ng bukol, gasgas sa ulo at pananakit ng katawan si Analyn habang nagtamo naman ng malaking hiwa sa ulo si Albert. Wala namang tinamong pinsala si Suprecio.

Ayon sa mga otoridad, mabilis ang takbo ng kotse kaya nabangga ang tricycle. Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong sugat ng dalawa.

Matapos lapatan ng first aid ang mga biktima ay dinala na ito ng grupo sa Bacolod Adventist Medical Center.

Samantala, sugatan sina Ranier Ambojia, bente sais anyos at Marvelyn Joy Ricasa, bente kwatro anyos nang sumemplang ang motorsiklong kanilang sinasakyan sa may Emilio Aguinaldo Highway, barangay Biga Dos, Silang Cavite noong Sabado ng hapon. Kapwa nagtamo ng mga galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan dahil sa aksidente.

Ayon kay Ranier iniwasan niya ang isang nagbibisikleta sa kalsada dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela at tuluyang matumba.

Matapos malapatan ng paunang lunas ang mga biktima ay tumanggi na sila na magpadala sa ospital.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,