Dagdag-singil sa multa sa illegal parking, epektibo na sa Enero 2019

by Jeck Deocampo | December 19, 2018 (Wednesday) | 19201

(UPDATED) METRO MANILA, Philippines – Epektibo na sa ika-7 ng Enero sa halip na ngayong araw ang dagdag-singil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa multa para sa mga sasakyang iligal na nakaparada sa iba’t-ibang lugar sa National Capital Region.

 

Ang dating ₱200 na multa sa attended illegally parked vehicle o ang sasakyan na iligal na nakaparada subalit may driver ay ₱1,000 na ang kailangan bayarang penalty. Habang ang dating ₱500 na parusa sa unattended illegally parked vehicle o ang sasakyan na maabutang walang driver, ngayon ay ₱2,000 na ang multa.

 

Naipalathala na kahapon sa mga pahayagan ang MMDA Regulation Number 18-008 ukol sa pagpapatupad ng mas mataas na multa sa illegal parking. Layon nito na mas madisiplina ang mga motorista at maiwasan ang illegal parking na isa sa mga pangunahing dahilan ng matinding traffic sa Metro Manila.

Ayon kay Crisanto Saruca ang officer-in-charge ng legislative at legal affairs ng MMDA, dalawang beses na maaring matiketan ang isang sasakyan na iligal na nakaparada sa loob ng tatlong oras na pagitan.

 

Halimbawa, kapag nahuli ang sasakyan na iligal na nakaparada at hindi pa rin maiaalis makalipas ang tatlong oras muli itong maiisyuhan ng violation ticket. Ibig sabihin pwedeng umabot sa ₱4,000 ang babayaran ng motorista kapag unattended illegally parked ang kanyang sasakayan.

 

Nagbabala rin ang MMDA na hahatakin ang mga sasakyan ng mga pasaway na driver na magpupumilit na pumarada sa iligal na lugar kahit pa naisyuhan na ng ticket.

 

Agosto ngayong taon nang aprubahan ng Metro Manila Council ang pagpapataw ng mas mataas na multa sa illegal parking upang madisplina ang mga pasaway na motorista.

 

(Joan Nano / UNTV News)

Tags: , , , , , , ,