Criminology students, sasanayin ng LTFRB upang makatulong kontra isnaberong mga taxi

by Radyo La Verdad | May 10, 2018 (Thursday) | 3389

Labing dalawang state colleges and universities sa Metro Manila ang pinulong kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Layon nito na mapag-usapan ang gagawing on the job training ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong criminology, kung saan tuturuan ang mga ito ng trabaho ng isang LTFRB enforcer.

Ang naturang hakbang ay alinsunod sa Commission on Higher Education Memorandum Order Number 37 series of 2010, na nag-oobliga sa mga criminology student na sumailalim sa mga training ng iba’t-ibang traffic at law enforcement agencies.

Sa pamamagitan nito, isasailam sa training ng LTFRB ang mga estudyante upang makatulong sa Oplan Isnabero. Isa ito sa mga kampanya ng LTFRB kontra pasaway na taxi drivers.

Plano ng LTFRB na ideploy ang mga estudyanteng enforcer sa mga mall, aiport, ospital at ilang PUV terminals.

Sisimulan ang naturang OJT ng mga estudyante sa loob ng school year 2018-2019.

Bukod sa LTFRB, maaring rin mag-ojt ang mga criminology student sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NAPOLCOM, Bureau of Immigration (BI) at iba pang mga ahensya.

Sa ngayon ay mayroon lamang 30 mga enforcer and LTFRB sa Metro Manila, kaya’t malaking tulong anila ang mga estudyanteng madadagdag sa kanilang hanay.

Higit limang daang mga estudyante ang inaasahang inisyal na sasanayin ng LTFRB bilang mga traffic law enforcer.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,