Comelec, tiniyak na  ‘All Systems Go’ na para sa 2022 elections

by Radyo La Verdad | May 6, 2022 (Friday) | 3460

METRO MANILA – Inihayag ni Commissioner Aimee Ferolino head ng packaging and shipping committee ng Commission on Elections (Comelec) na halos lahat ng mga kakailanganin sa halalan ay naihatid na sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa datos ng komisyon, ang Vote Counting Machines (VCMs), Broadband Global Area Networks (BGANs), ballot boxes, official ballots, at Consolidation and Canvassing System (CCS) kits ay naideploy na lahat.

Tatlong daan at limampu’t lima lang ang nagkaroon ng problema.

Dinala na ang mga sirang VCMs sa Comelec warehouse  sa Santa Rosa, Laguna para i-repair.

Binigyang diin ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo, na napakababa nito kung ikumpara noong 2019 elections na umabot sa 3,000 ang depektibong VCMs.

Ang mga SD card naman ay 44 lamang ang nagkaroon ng problema at kailangang palitan.

Samantala, hiniling naman ng comelec sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na magamit ang kanilang air assets tulad ng black hawk helicopters sa araw ng eleksyon.

Ito ay upang madala agad ang mga sirang VCMs sa repair hubs.

Katuwang ng AFP ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) na nag-offer na rin na gamitin ang kanilang asset.

Magsisimula ang botohan sa Lunes (May 9) ng alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: