Patuloy ang mga ginagawang preparasyon ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na 2019 midterm elections. Ngunit bukod dito, patuloy din ang pagpapaalala nito sa mga mamamayan na maging matalino sa pagboto at nagbabala laban sa mga kandidato na magtatangkang bumili ng boto.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nakikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) at iba pang grupo upang mabantayan ang naturang election offense.
Aminado ang Comelec na malaking hamon ang pagsugpo sa vote buying subalit napapadali ang kanilang trabaho kapag may lumalapit at isinusumbong ang mga taong sangkot sa vote buying.
Paliwanag ng Comelec, hindi lang pera ang inaaalok ng mga kandidato kapalit ng boto ng isang tao. May mga kaso anila sa nakalipas na halalan na mga alagang hayop, gulay, sako-sakong bigas at maging ng grocery items ang ginagamit sa vote buying. Ngunit hindi umano sapat ang panandaliang pakinabang sa pangmatagalang serbisyo na kinakailangan ng isang tao.
Bukod sa pera at mga produkto, sinasamantala din aniya ng mga kakandidato ang mga serbisyo ng pamahalaan bilang kapalit sa boto ng isang botante.
Maaring ipagbigay-alam sa Comelec kung may nalalamang kaso ng vote buying sa inyong lugar. Batay sa Omnibus Election Code, sinomang kandidatong mapapatunayan ng vote buying ay madidiskwalipika sa kandidatura at sa pwesto sa pulitika, pagkakakulong ng hanggang anim na taon at mawalan ng karapatang makaboto.
Pinapayuhan rin ng Comelec ang mga kakandidato na huwag makipag-ugnayan sa mga umano’y “middle man” upang magbayad ng suhol at tulungan sa kanilang kandidatura.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: 2019 midterm elections, COMELEC, PNP