COMELEC, nagsagawa ng demo sa paggamit ng Vote Counting Machine sa isang barangay sa Iloilo city

by Radyo La Verdad | March 29, 2016 (Tuesday) | 4466

COMELEC-FACADE-2
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections para sa gaganaping halalan sa Mayo a-nueve.

Partikular na inihahanda ng COMELEC ang bagong Vote Counting Machines na gagamitin ng mga botante sa pagpili ng mga kandidatong iluluklok sa puwesto.

Bagaman user-friendly ang mga makina, inaasahan na ng komisyon ang pagkakaroon ng problema dahil bago ito at hindi lahat ng botante ay maaaring marunong gumamit nito.

Bilang solusyon, naglilibot ngayon sa mga barangay ang COMELEC upang magsagawa ng demo ukol sa paggamit ng vcms.

Tinuruan din ang mga botante sa tamang paraan ng shading sa balota upang agad itong basahin ng makina kasabay ng payo na huwag itong dudumihan, tupiin o kaya ay basain dahil walang ibibigay na extra ballots ang COMELEC.

Itinuro din sa mga botante ang pag-check sa resibo at screen kung tama ang binasang impormasyon ng makina.

Paalala rin ng COMELEC na bawal ilabas ang resibo sa mga presinto.

Isinagawa ng COMELEC ang demo sa Brgy .Calumpang sa Molo District na may pinakamaraming registered voters na umaabot sa 6,946; 261, 481 naman ang registered voters sa buong Iloilo City.

Nagsasagawa rin ng voter’s education ang COMELEC upang maipabatid sa mga botante ang kanilang mga karapatan at ang mga dapat at hindi dapat gawin sa araw ng eleksyon.

(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,