Ipapa-deport ni NCRPO Director Guillermo Eleazar ang Chinese national na nanaboy ng taho sa pulis na nakabantay sa Metro Rail Transit (MRT)-Boni Station noong Sabado. Ito ay bukod pa sa kasong isinampa sa babae na direct assault and disobedience to person in authority
Base sa report ng Philippine National Police (PNP), pinagbawalan ni PO1 William Cristobal si Jaile Zhang na ipasok sa istasyon ng tren ang taho, dahil sa ipinatutupad na polisiya ng MRT management, at paghihigpit sa seguridad matapos ang nangyaring bombing incident sa Jolo, Sulu.
Dahil sa insidente, inaresto si Zhang at dinala sa Mandaluyong Police Station.
“It was my fault, I just got angry,” pag-amin ni Zhang.
“We can recommend for her to consider as undesirable alien so that the Bureau of Immigration will process this, maging basehan ‘yan kung i-deport ‘yan,” paliwanag ni Eleazar.
Samantala, kanina binigyang parangal ng PNP si PO1 Cristobal, kasabay ng isinagawang flag raising ceremony sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, kahanga-hanga ang ginawang pagtitimpi ni PO1 Cristobal, sa kabila ng pambabastos ng Chinese national sa kanyang uniporme.
“’Yung kanyang asal kasi is worthy of emulation, ito yung hina-highlight natin na one good deed, one commendable act ‘yung ginawa nya, hindi naman dahil ‘yan ay foreign national kahit ‘yan ay Pilipino… Ipinakita nya ang kanyang tyaga at pasensya na kailangan ng ating mga kapulisan talaga,” ani Albayade.
Hindi naman umano inasahan ni PO1 Cristobal ang naturang parangal, at sinabing ginawa niya lamang kung anong gustong mangyari ng kanilang Chief, na habaan pa ang pasensya at gumawa ng tama para sa bayan.
Nanawagan naman si Albayalde sa lahat ng mga dayuhan na igalang ang mga batas at panuntunan sa Pilipinas.
Muli rin itong nagpaalala na ipinagbabawal pa rin ang pagpasok ng liquid items sa MRT.
“Kahit nga sasakay ka ng eroplano bawal ‘yung bottled water e, bakit ‘yun sumusunod tayo, bakit dito ‘di tayo makasunod, whether tayo ay Pilipino or foreigner ay dapat po tayong sumunod dahil ‘yan ang batas na ipinatutupad,” paalala ni Albayalde.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: Chinese national, ipapa-deport, nambastos ng pulis, Nanaboy ng taho, NCRPO chief Guillermo Eleazar, PNP