Chief Justice Maria Lourdes Sereno, balik-trabaho na matapos ang mahigit 2 buwang bakasyon

by Radyo La Verdad | May 9, 2018 (Wednesday) | 5342

Tinapos na ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kanyang indefinite leave makalipas ang mahigit dalawang buwan. Alas 7:30 pa lang kaninang umaga, pumasok na ito sa kanyang opisina.

Ika-1 ng Marso nang sapilitang pinagbakasyon si Sereno ng kanyang mga kapwa mahistrado sa kainitan ng impeachment hearing sa Kongreso.

Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Carlo Cruz, balik-trabaho na si Sereno matapos makumpleto ang preparasyon nito para sa kanyang impeachment trial sa Senado.

Ang tanong ay kung may dapat bang pagpaalaman si Sereno sa kanyang pagbabalik sa Korte Suprema lalo’t desisyon ng en banc na magkabasyon muna siya.

Ayon sa abogado ni Sereno, wala itong dapat hingan ng permiso upang makabalik sa trabaho. Nakausap lamang aniya nito sa telepono si Senior Associate Justice Antonio Carpio upang ipaalam na papasok na siya ngayong araw.

Muli ring gagampanan ni Sereno ang kanyang tungkulin bilang punong mahistrado. Katunayan, plano pa nito na dumalo sa special en banc session ngayong Biyernes.

Pero ayon kay Atty. Larry Gadon na naghain ng impeachment complaint kay Sereno, gumagawa na lang ng drama ang punong mahistrado.

Samantala, tuloy na ang espesyal na sesyon ng mga mahistrado ngayong Biyernes upang magbotohan sa kanilang desisyon sa quo warranto petition ng solicitor general laban kay Sereno.

Handa umano si Sereno na harapin anoman ang kahinatnan nito kahit pa napapabalitang nakararami sa mga kapwa niya mahistrado ang desididong matanggal siya sa puwesto.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,