Cherry Blossom Festival, gaganapin ngayong linggo sa Toronto

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 3519

Ngayong linggo na nga ang isa sa pinaka-aabangang event sa Toronto na dinadayo pa ng libo-libong mga turista at mga residente mula sa karatig lugar. Ito ay ang Cherry Blossom Festival sa High Park tuwing spring season.

Ayon sa High Park Nature Centre, kahapon ay nasa 20 hanggang 65 porsyento na ng mga puno ang namulaklak at inaasahan ang peak bloom ngayong linggong. Ito’y dahil patuloy na magiging maaraw at maganda ang panahon sa Toronto.

Ayon pa sa Centre, malaking factor ang lagay ng panahon sa pamumulaklak ng cherry trees.

Anila, ang mainit na panahon ay nakakatulong na mapabilis ang pamumulaklak habang ang pagbaba naman ng temperatura ay nakakapagpabagal sa pamumulaklak ng cherry trees. Kadalasan, ang cherry blossoms at tumatagal ng 4 hanggang 10 araw depende sa magiging kondisyon ng panahon.

Inaasahang dadagsa ang mga tao na bibisita sa High Park para tunghayan ang Cherry Blossom Festival. Kaya naman pinapayuhan ang mga tao na gumamit na lamang ng public transportation upang makaiwas sa mabagal na daloy ng trapiko.

 

( Noel Poliarco / UNTV Correspondent )

Tags: , ,