Central at North Luzon, labis na naapektuhan ng mga sama ng panahon

by Radyo La Verdad | July 23, 2018 (Monday) | 3655

Patuloy na nadaragdanan ang bilang ng mga barangay na apektado ng pagbaha sa probinsya ng Tarlac bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Batay sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa 139 na barangay mula sa 12 bayan ang lubog pa rin sa tubig. Mayroon na ring naitalang isang casualty dahil sa pagkalunod mula sa bayan ng Anao kahapon.

Nananatili naman na hindi madaanan ng maliliit na sasakyan ang ilang kalsada sa Camiling, Lapaz, Victoria, Anoa, Ramos at Tarlac City dahil sa mataas na baha sa kalsada.

Tumulong na rin ang UNTV at MCGI sa pamimigay ng relief goods at free emptive evacuation ng ilang mga kasambahay sa probinsya.

Tatlong bayan na rin sa Ifugao Province ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pinsala landslide at pagbaha sa mga pananim at mga ari-arian ng mga residente. Kabilang dito ang mga bayan ng Bimpal Lamut Ifugao, Lagawe at Asipulo Ifugao.

Samantala, hindi pa rin madaanan ang Kennon Road paakyat ng Baguio City. Sarado rin ang Abra-Cervantes Road,  Abra-Ilocos Norte Road, Acop-Kapangan-Kibungan-Bakun Road,  Kiangan-Tinoc-Buguias Road, Kalinga-Cagayan Dumanay Section, at Mt. Province – Ilocos Sur via Kayan Road.

May ilang landslides na rin ang naitala ng Office of the Civil Defense sa Baguio City, Benguet, Abra, Mt. Province at Ifugao.

Nagdeklara na rin ng state of calamity ang bayan ng Hermosa sa Bataan dahil na rin sa malawakang pagbaha.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,