Cagayan de Oro City LGU, magsasagawa ng Mud Brigade ngayong araw sa mga naapektuhan ng bagyong Vinta

by Radyo La Verdad | December 26, 2017 (Tuesday) | 1306

Ika-apat na araw na ngayon mula nang tumigil ang malakas na ulan na dala ng bagyong Vinta. Humupa na ang tubig baha at bumalik na sa normal ang water level ng mga ilog  sa Cagayan de Oro City. Ngunit nananatili pa rin sa mga evacuation centers ang ilan sa labing apat na libong mga residenteng lumikas sa kasagsagan ng bagyo noong Biyernes.

Iniwan din ni Vinta ang makapal na putik sa syudad sa labas ng mga kalsada at maging sa loob ng bahay ng mga residente.

Kaya naman ang lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro City ay pasisimulan na ngayong araw ang ipinanawagan nitong mud brigade kasama ang mga AFP, PNP at bukas din sa iba’t-ibang volunteers.

Ang mga volunteer ang tutulong sa paglilinis sa mga tahanang pinasok ng putik ngunit maari pa ring matirhan ng mga may-ari. Lubhang napinsala ng flashflood ang brgy. Macabalan, brgy. Carmen, brgy. Cugman at brgy. Macasandig.

Bukod sa Mud Brigade, tuloy-tuloy din ang pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente.

Umaasa naman ang karamihan ng mga nasalanta ng bagyong Vinta na makatanggap ng karagdagang mga tulong mula sa pamahalaan upang makabangon mula sa sinapit na kalamidad.

Iipunin naman lahat ng volunteers ng Mud Brigade sa City Hall compound para sa gagawing orientation at desimination ng area of assignment.

Samantala, nakikiisa naman sa isasagawang mud drive ang mga volunteer mula sa Members Church of God International o MCGI sa araw na ito.

 

( Jacky Estacion / UNTV Correspondent )

Tags: , ,