BUCOR, tiniyak na walang special treatment sa proseso ng pagpapalaya kay Pemberton

by Radyo La Verdad 1350 | September 9, 2020 (Wednesday) | 11917

Hinihintay pa ng BUCOR na makarating sa kanila ang mga papeles ni US Marine Joseph Scott Pemberton matapos bigyan ito ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pero ayon kay BUCOR Spokesperson Gabriel Chaclag, handa silang tumupad sa kautusan ng Pangulo at ng Korte sa Olongapo.

Dagdag pa ni Chaclag, hindi bibigyan ng special treatment si Pemberton sa proseso ng pagpapalaya.

“At sa ngayon ay tini-treat natin na ordinary release ito ibig sabihin ay susundin po natin lahat yung mga process at hindi po tayo mag-i-skip at gagawin siguro natin ay ie-expedite lang po natin para matapos na rin po yung usapin,” ani Gabriel Chaclag, BUCOR Spokesperson.

Sa ordinaryong pagpapalaya ng bilanggo, umaabot ng 4 na araw hanggang sa dalawang linggo ang proseso nito.

Bago naman i-turn over ng BUCOR si Pemberton sa Bureau of Immigration, hihingi muna sila ng advice mula sa Department of Justice.

“Kukuha po tayo ng advice o directive sa DOJ kasi iba po ito sa ordinary pong foreigner ay itinu-turnover po natin sa Bureau of Immigration at dahil may special case itong si PDL Pemberton isasangguni po natin yan sa DOJ at kung sabihin nila na sa immigration ay doon po handa po tayong mag-turn over sa kanila,” ayon pa kay Gabriel Chaclag, BUCOR Spokesperson.

Ayon naman kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, sapat na ang absolute o presidential pardon para asikasuhin na ng BUCOR ang mga dokumento sa paglaya ni Pemberton.

Pinababawi na rin ng Kalihim sa Bureau of Immigration ang hold departure order na naka-issue kay Pemberton. Hindi rin ito tatratuhin  na isang deportee. At dahil miyembro ng US Marines, sinabi ni Sec. Guevarra na maaaring may ibang paraan ng transportasyon para kay Pemberton palabas ng bansa.

(Joan Nano | UNTV news)

Tags: ,