British multinational telco Vodafone, posibleng pumasok bilang 3rd telco player sa bansa

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 2947

Nakausap ng economic managers na sina Budget Secretary Benjamin Diokno, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia at Trade Secretary Ramon Lopez ang telecom giant na Vodafone nang magtungo ang mga ito sa United Kingdom noong nakalipas na linggo.

Ayon kay Budget Secretary Diokno, posibleng pumasok bilang 3rd telco player sa bansa ang malaking kumpanya.

Nagpahayag naman ng pangamba ang Vodafone hinggil sa proseso ng pagnenegosyo sa Pilipinas. Una nang umatras ang Vodafone sa bansang Myanmar dahil umano sa hindi istriktong internal investment criteria ng bansa noong 2013.

Sa Disyembre ngayong taon, target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tukuyin kung sino ang magiging ikatlong 3rd telco player sa bansa.

Una nang sinabi ng DICT na ang deadline ng submission at opening ng bids ay Nobyembre 7.

Ayon naman kay Diokno, may kakayahan namang humabol na magsumite ng kinakailangang requirements ang Vodafone sakaling magdesisyon itong sumali sa bidding.

Kabilang naman sa mga kumpanyang nagpahayag ng interes na sumali sa bidding para maging 3rd telco player ang Philippine Telegraph and Telephone Company, NOW Corporation, Converge ICT Solutions, Transpacific Broadband Group International at Easy Call Communications Philippines.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,