METRO MANILA – Ibinaba na ng Department of Health (DOH) sa 30% ang bilang ng fully-vaccinated na Filipino, na target nilang mabakunahan ng ‘booster shot’, sa unang 100 araw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, ito’y dahil na rin sa mabagal na pace ng bakunahan.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na nananatili pa rin naman na 50% ang target nila na mabakunahan hanggang sa katapusan ng 2022.
Kahapon (September 22), inianunsyo ng DOH-NCR na naabot na ang 50% vaccination target ng booster sa general population habang 90% na ang naabot sa senior citizen sa Metro Manila.
Katumbas ito ng mahigit 5M indibidwal na nabakunahan ng booster habang higit 1M naman sa mga matatanda.
Ibig sabihin, nakumpleto na ng rehiyon ang tinatarget sa Pinaslakas campaign na sinasabing sapat na proteksyon upang mapigilan ang muling pagtaas ng COVID-19 cases.
Pero nilinaw ng DOH, na hindi pa rin dapat magpakampante ang publiko dahil maaari pa ring tumaas ang mga kaso at kumalat ang iba pang variant ng COVID.
Samantala, ayon kay DOH-NCR Assistant Regional Director Dr. Aleli Sudiacal, nakahandang tumulong ang NCR LGUs sa mga kalapit na lugar sa pagbabakuna sa special week of vaccination sa susunod na linggo.
Ayon sa DOH, kung hindi maabot ang target na mabigyan ng booster dose sa special week of vaccination at sa October 8, ipagpapatuloy pa rin ng ahensya ang kampanya sa malawakang bakuna hanggang sa katapusan ng taon.
(JP Nunez | UNTV News)