Biyahe mula Quezon City patungong Bulacan, mapapadali na oras na matapos ang konstruksyon ng MRT 7

by Radyo La Verdad | April 21, 2016 (Thursday) | 948

MRT-7-GROUNDBREAKING
Matapos ang ilang taon, sa uumpisahan na ang konstruksyon ng MRT Line 7.

Ito ang linya ng tren na magdudugtong sa bayan ng San Jose del Monte Bulacan hanggang sa Quezon City.

Pinangunahan ni President Benigno Aquino III ang ground breaking ceremony kahapon ng umaga sa Quezon City Circle.

Magkakaroon ng labing apat na istasyon ang MRT 7 na magsisimula sa EDSA North Avenue na dadaan sa kahabaan ng Commonwealth patungo sa SAN JOSE del Monte Bulacan.

Kayang magsakay ng MRT 7 ng mahigit tatlong daang libong pasahero araw-araw, at kapag natapos pa ang ibang upgrade ay kakayanin na nitong magsakay ng hanggang walong daang libong pasahero.

Nakipagugnayan na ang San Miguel Corporation sa MMDA upang matulungan sila sa pag aayos sa daloy ng trapiko kapag naumpisahan ang konstruksyon.

Idudugtong ang MRT 7 sa LRT Line 1 at di kalaunan ay sa MRT Line 3.

Subalit isyu pa rin ang lugar ng pagtatayo ng common station, base sa concession agreement, sa tabi ng SM North EDSA itatayo ang common station taliwas sa pahayag ng DOTC noon na magkakaroon rin ng common station sa Trinoma.

Bahagi rin ng proyekto ang isang Intermodal Transportation Terminal o ITT na itatayo sa Balagtas Bulacan na kayang mag accomodate ng anim na pung bus gayundin ang isang access road mula Balagtas Bulacan hanggang San Jose del Monte.

Malaki ang maitutulong nito sa mga taga Bulacan dahil makakapagpasok ito ng mas maraming investor na makakapag palago sa ekonomiya ng lalawigan.

Sa ngayon ay may problema pa sa right of way sa San Jose del Monte, subalit sinosolusyunan na ito ng lokal na pamahalaan.

Ang San Miguel Corporation ang nakakuha ng kontrata sa naturang proyekto sa pamamagitan ng public private partnership ng pamahalaan.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: