Ikinababahala ng Philippine National Aids Council (PNAC) ang posibleng pag-triple ng bilang ng mga Pilipinong magpo-positibo sa Human Immunodeficiency Virus o people living with HIV sa taong 2028.
Anila, aabot sa 265,900 ang HIV/AIDS cases sa Pilipinas kapag hindi napaigting ng pamahalaan ang programa para magamot ang mga PLHIV.
Ayon kay Dr. Joselito Feliciano, lumalabas sa kanilang pag-aaral na pabata ng pabata ang nauugnay sa mapanganib na pakikipag- relasyon.
Sa taong 2028, karamihan sa mga bagong kaso ng HIV ay magmumula sa 15 hanggang 24 taong gulang.
Batay sa ulat ng DOH, lomolobo taon-taon ang bilang ng mga people living with HIV (PLHIV) sa Pilipinas.
Mula sa dalawa kada araw noong taong 2009, umakyat na sa 32 ngayong 2018 ang nada-diagnose na Pilipinong positibo sa HIV.
Ikina-aalarma ito ng DOH lalo na’t lumalabas sa ulat ng United Nations programme on HIV/AIDS o UN AIDS na pitong taon nang ang Pilipinas ang may pinakamataas na kaso ng HIV infection sa Asia-Pacific region.
Batay sa datos ng DOH Epidemiliogy Bureau, mula Enero hanggang Hulyo pa lamang ngayong taon ay nasa mahigit anim na libo na ang PLHIV cases sa Pilipinas.
Ayon kay Billy Santo na tatlong taon nang AIDS survivor at isa sa mga pangunahing nagtataguyod ng The Red Ribbon Project, upang tumulong sa counselling at pagpapagamot ng mga PLHIV, malakas ang impact ng stigma ng HIV sa buhay ng isang taon.
Paalala ng Philippine National Aids Council sa publiko na libre ang HIV testing sa lahat maging sa mga buntis lalo na sa mga taong at risk ang pamumuhay gaya ng mga may multiple partners.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )