Umakyat na sa 74 ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa base pinakahuling tala ng National Operations Center (NOC) ng PNP.
Sa nasabing bilang, 60 ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) kung saan nagkaroon ng mga landslide.
10 naman ang namatay sa Cagayan Valley Region (Region 2), Central Luzon (Region 3) at 1 sa National Capital Region (NCR).
55 ang naitalang nawawala kung saan 52 sa mga ito ay sa CAR, 2 sa Cagayan Valley at isa sa Metro Manila. Nasa 74 din ang nasugatan dahil sa pananalasa ng bagyo.
Ayon kay PNP Spokesperson PSSupt. Benigno Durana Jr, tuloy tuloy ang ginagawang pagtulong ng halos pitong libong pulis sa search, rescue, recovery at law and order operations sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Dalawampu’t apat na tauhan naman ng Special Action Force (SAF) ang tumutulong sa search operations sa Itogon, Benguet.
Sinabi pa ni Durana na isa sa prayoridad ng PNP ay ang tumulong na makarating sa mga residenteng apektado ng pananalasa ng Bagyong Ompong ang relief goods mula sa pamahalaan.
Handa din aniya ang PNP na tumulong sa imbestigasyon laban sa mga local government executives na nagpabaya noong Bagyong Ompong.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Ompong, NCR, PNP