Bilang ng nasawi sa landslide incident sa Naga City, Cebu, umaabot na mahigit apatnapu

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 8866

Halos hindi na makatulog si Nanay Paz dahil sa tuwing ipipikit niya ang kanyang mata, bumabalik umano sa kanyang ala-ala ang nangyaring trahedya.

Kasama sa natabunan ng lupa ang kanyang tatlong anak. Hanggang ngayon, gaya ng ibang biktima hindi pa nakikita ang kanyang mga anak.

Sa pagpapatuloy ng search and rescue operations ng mga otoridad, apatnapu’t anim na ang naitalang nasawi habang apatnapu’t pito pa ang pinaghahanap.

Kaugnay nito ay sinimulan na rin ng National Bureau of Investigation-7 ang pagkolekta ng antemortem sample mula sa mga residente na nagsasabing mayroon silang kamag-anak na hindi pa nakikita matapos ang landslide incident upang mas mapadali ang pagkilala sa mga nahukay na bangkay.

Samantala, nagpositibo sa Escherichia coli (E. coli) bacteria ang water sources mula sa evacuation centers batay sa isinagawang pagsusuri ng Department of Health-7 na maaaring maging sanhi ng diarrhea.

Tinatayang nasa 1,341 mga pamilya o katumbas ng 4,984 indibiduwal ang kasalukuyang nananuluyan sa mga evacuation center.

Nananatiling suspendido ang pasok sa mga apektadong lugar. Tinitingnan naman ng Department of Education-7 ang pagkakaroon ng Alternative Learning System (ALS) para sa mga estudyante rito.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

 

Tags: , , ,