Bilang ng nagkaroon ng sakit na tigdas sa Region 3, tumaas ng 529% ngayong taon

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 5321

Nangangamba ngayon ang Kagawaran ng Kalusugan sa pagtaas ng bilang ng kaso ng tigdas sa Region 3.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon, dalawampu’t walo ang kumpirmadong nagkaroon ng sakit na tigdas.

Ngunit ngayong taon umabot na ito sa 176 o mahigit 500 percent increase. Mahigit sa doble naman ngayong taon ang naiulat na pinaghihinalaang nagkaroon ng sakit na tigdas sa buong rehiyon.

Pinakamarami sa Pampanga na may 408 suspected measles cases, pangalawa ang Bulacan na may 193 at pangatlo ang Tarlac na may 107.

Umabot na sa dalawampu’t dalawa ang namatay kumpara sa dalawa lamang noong nakaraang taon. Karamihan sa mga nagkaroon ng sakit ay ang mga batang siyam na buwan hanggang limang taong gulang.

Ayon sa DOH, karamihan sa apektado ay hindi nabakunahan.

Kaya naman target ng DOH ngayong Nobyembre hanggang Disyembre na bakunahan ang mga batang anim hanggang siyam na taong gulang.

Sa ilalim ng ligtas tigdas program, libreng ipagkakaloob ng mga health centers ang dalawang dosage ng measles vaccine sa mga kabataan.

Pakiusap ng DOH, huwag matakot pabakunahan ang mga anak dahil matagal ng napatunayang ligtas at epektibo ang bakuna sa tigdas.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,