Boracay, Aklan – Tumaas ng mahigit 20% ang bilang ng mga local at foreign tourists na bumisita sa isla ng Boracay sa nakalipas na long weekend kumpara noong 2018.
Sa inisyal na ulat ng Caticlan Jetty Port Authority ng bayan ng malay, umabot sa 51,040 ang bilang ng mga turistang dumating sa Boracay simula noong April 15 hanggang April 20.
Mas mataas ito ng nasa 22% kumpara sa 41,641 na mga turistang bumisita sa Boracay sa long holiday noong nakaraang taon.
Pinakamarami pa rin ang mga domestic tourists o mga pinoy na mula sa iba’t ibang lugar sa bansa na may 29,814 na bilang.
Tumaas ito ng 39% kumpara sa 21,387 na bilang ng mga domestic tourists noong 2018.
Tumaas din ang bilang ng mga foreign tourists at overseas filipino workers na nagbakasyon sa Boracay.
Ayon sa pangasiwaan ng Caticlan Jetty Port, ang gateway papasok sa isla ng Boracay, inaasahan na nila ang pagtaas ng bilang ng mga turista dahil sa malaking pagbabago dulot ng rehabilitasyon ng isla.
Samantala, patuloy pa rin ang 2-year rehabilitation efforts ng pamahalaan sa Boracay island hanggang sa susunod na taon.
(Vincent Arboleda | UNTV News)