Bilang ng mga Pilipinong nagpositibo sa HIV, patuloy ang paglobo

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 2678

Nababahala ang Department of Health sa patuloy  na paglobo ng mga nagpopositibo sa Human Immunodeficiency Virus o HIV araw- araw.

Sa tala ng Department of Health noong 2017, nasa 67,000 indibidwal ang nagpositibo sa naturang sakit sa bansa, mas mababa ito kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asya gaya ng Thailand na nakapagtala ng 300 libong kaso.

Subalit  ayon kay Dr. Gerard Belimac, ang program manager ng DOH National HIV-STI Prevention  nasa tatlumpu’t isang bagong kaso ang nadadagdag kada-araw.

Kaya naman hinihikayat ng DOH ang publiko na samantalahin ang kanilang ibinibigay na libreng HIV testing gayundin ang libreng gamutan.

Isinusulong din ngayon ng DOH ang libreng HIV testing sa mga buntis, ito ay upang maagapan at maiwasang maipasa sa kanilang anak ang virus.

Sinisiguro naman ng DOH na ligtas ang anti- retroviral drugs sa mga nagdadalang tao at sa sanggol.

Nilinaw din naman ng DOH na bagama’t hindi sapilitan ang HIV testing sa mga buntis, kasama na ito sa pre-natal package check-up sa DOH Centers. Una nang ibinigay ng libreng HIV testing sa National Capital Region at sa Cebu City.

Inihahanda na rin nila ang naturang libreng programa sa iba’t-ibang rehiyon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,