Bilang ng mga pasaherong naapektuhan ng malawakang tigil-pasada, halos 10% lamang – LTFRB

by Radyo La Verdad | October 17, 2017 (Tuesday) | 3541

Naging bahagya lamang umano ang naging epekto sa mga pasahero ng isinagawang nationwide transport strike ng grupong PISTON kahapon.

Mula sa halos sampung milyong mananakay ng jeep kada araw, umabot lamang sa 1,140 mga pasahero ang naapektuhan batay sa huling report ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Taliwas ito sa naging assesment ng grupong PISTON, kung saan 90 porsiyento umano ng biyahe ng mga jeep sa bansa ang kanilang naparalisa dahil sa tigil-pasada.

At dahil maliit lamang ang porsiyento ng mga napaaketuhang pasahero, hindi na inirekomenda pa ng LTFRB sa Malakanyang na suspendihin ang pasok sa lahat ng paaralan at trabaho sa bansa.

Samantala, pinag-aaralan naman ng LTFRB kung muli silang magsasampa ng reklamo laban kay George San Mateo, ito dahil sa paulit-ulit nitong pagdaraos ng mga tigil-pasada kontra jeepney modernization program ng pamahalaan.

Giit ng PISTON, patuloy silang magsasagawa ng mga protesta kung hindi sila pakikinggan ng pamahalaan.

Hindi rin umano sila masisindak kahit pa magsuspinde ng pasok ang pamahalaan sa buong bansa.

Samantala, nangako naman ang Uber at Grab sa LTFRB na pansamantala nilang sususpendihin ang surge pricing upang makapagbigay ng ibayong serbisyo sa mga pasaherong posibleng maistranded sa pagpapatuloy ng nationwide transport strike ngayong araw.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,