Bilang ng mga batang nagpapabakuna kontra Polio, nababawasan – DOH

by Erika Endraca | August 20, 2019 (Tuesday) | 10225

MANILA, Philippines – Patuloy na nababawasan ang bilang ng mga batang nagpapabakuna kontra sa sakit na Polio kung saan bumaba sa 95%, mas mababa sa target para masiguro ang proteksyon ng populasyon kontra sa nasabing sakit ayon sa Department of Health (DOH).

Sabayang binakunahan kontra Polio  ang mga sanggol at batang hanggang 5 – taong gulang, sa lungsod ng Maynila  sa paglulunsad ng Synchronized Polio Immunization Program.

Pero kahit oral administration o pinapatak lamang sa bibig ang bakuna may mga batang di pa rin naiwasang mapaiyak.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, minomonitor sa buong mundo ang naturang sakit at maging ng World Health Organization (WHO).

Ang Polio ay isang infectious disease na na nagdudulot ng pagkaparalisa o maging ng pagkamatay. Base sa pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III, hanggat hindi naka-alerto para matukoy ang mga senyales ng poliovirus transmission sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaigting sa programa sa bakuna at paglilinis at sanitasyon ay nanganganib na mawala ang Polio Free Status ng bansa.

Taong 2000 pa  naitala ang huling kaso ng Polio sa bansa. Sa ngayon, may mga lugar pa sa Pilipinas na high risk for recurrence o posibleng pagmulan muli ng naturang sakit.

Samantala, pangunahing dahilan o risk factor sa pagkakaroon ng  Polio ay ang low coverage o konti lamang ang nababakunahan at pagka expose sa maruming kapaligiran.

“Among the cities in the philippines, manila is one na nakikita natin na may potential na magkaroon ng Polio kaya inuuna natin siya kasi nga iyong situation dito talagang napakaraming tao tapos ang sewerage system natin maraming barado pagkatapos medyo mababa ang ating coverage na magbakuna sa polio” ani DOH Undersecretary Eric Domingo.

“Our goal is to address 196 thousand children in the city of manila to be free of possibility of having polio” ani Manila Mayor Isko Moreno.

(Mai Bermudez | Untv News)

Tags: , ,