Kinumpirma ni AFP Western Mindanao Command Public Affairs Office chief Marine Captain Rowena Muyuela na siyam na ang bilang ng nasawi samantalang 14 ang sugatan sa hanay ng Abu Sayyaf group sa engkwentro kahapon sa Patikul, Sulu.
Binanggit pa ni Capt. Muyuela na umaabot sa 200 bandido ang nasa area ng Patikul kahapon kaya agad na naglunsad ng operasyon ang militar.
Sa area na iyon sinasabing nangangampo ang Abu Sayyaf group leader na si Radulan Sahiron. Sa ulat ng AFP, halos kalahati ng buong pwersa ng ASG ay nasa Patikul, Sulu kahapon.
Base rin sa pahayag ni Capt. Muyuela, nasa pito na rin ang kabuoong bilang na bihag o kidnap victims ng bandidong grupo.
Pinakahuli rito ang retired marine na si Master Sergeant Renato Fernandez na binihag ng mga bandido noong nakalipas na linggo.(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)
Tags: Abu Sayyaf, casualties, encounter, Westmin Command