Biktima ng vehicular accident sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 8010

Walang malay-tao nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa loob ng kanyang sasakyan si Lyndel Dela Cruz, 20 anyos matapos maaksidente sa San Juan Road, Pala-Pala, Bacolod City, pasado alas dos noong Biyernes ng madaling araw.  Nagtamo ito ng sugat sa labi at pamamaga sa kaliwang tuhod.

Agad nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong pinsala ni Lyndel.

Tinulungan naman ng 911 Bacolod ang dalawa pang pasahero ng kotse. Hindi naman nasugatan ang driver ng sasakyan.

Nang muling magkaroon ng malay-tao, ikwinento ni Lyndel kung paano nangyari ang aksidente.

Pauwi na umano siya kasama ang tatlong kabarkada nang biglang mapunta sa kabilang lane ang kanilang sasakyan at bumangga sa nakaparadang cement mixer truck.

Aminado ang kasamahan nito na nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang aksidente ay nakainom umano ito ng alak.

Pagkatapos malapatan ng paunang lunas ang mga pinsala ni Lyndel ay dinala na ito sa Dr. Pablo O. Torre Memorial Hospital.

 

Tags: , ,