Bersyon ng BBL na pinagbobotohan sa Kamara, halos walang pinagkaiba sa orihinal – Colmenares

by dennis | May 19, 2015 (Tuesday) | 3489
File photo: Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares
File photo: Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares

Tila bumalik sa orihinal na bersyon ang proposed Bangsamoro Basic Law matapos isantabi ng mayorya ng ad hoc committee ang mosyon ng ilang kongresista na ang bersyon na pagbobotohan ay ang Chairman’s version ng BBL.

Sa isang panayam kay BAYAN Muna Rep. Neri Colmenares sa programang Huntahan, sinabi nito na malaki ang pagkakaiba ng Chairman’s version at ang bersyon na pinagbotohan kahapon.

Ayon kay Colmenares, sa Chairman’s version, tinanggal dito ang nasa sampung probisyon na kinakitaan ng paglabag sa Saligang Batas kasama na rito ang probisyon kaugnay sa pagtatatag ng sariling Commisssion on Audit, at ang kapangyarihan ng Office of the Ombudsman sa Bangsamoro.

Iginiit ni Colmenaras na bagaman may mga termino na binago, halos kapareho ito ng draft na binalangkas ng Bangsamoro Transition Commission.

Matatandaan nitong nakaraang weekend, ipinatawag sa Malakanyang ang mga miyembro ng ad hoc committee on the Bangsamoro Basic Law at pinakiusapan umano ng Pangulo na ipasa ang bersyon ng Palasyo.

Pahayag pa ng kongresista, ginagawa ng administration congressmen ang lahat nitong magagawa para mapabilis ang pag-apruba sa pinakahuling bersyon ng BBL. Hindi aniya ito imposible dahil sa overwhelming majority na pabor sa naturang bersyon.

Babala naman ni Colmenares na ang latest version na pinagbobotohan ngayon sa Kamara ay hindi magdudulot ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. (UNTV Radio)

Tags: , , ,