Basurang ipinadala sa Pilipinas, hindi dumaan sa tamang recycling process – Korean gov’t

by Radyo La Verdad | November 23, 2018 (Friday) | 7368

Hindi dumaan sa tamang recycling process ang mga basurang ipinadala sa Pilipinas mula sa bansang Korea. Ito ang nadiskubre ng Korean government nang imbestigahan ang exporter na responsable sa insidente.

Ayon sa isang press release na inilabas ng embahada ng Republic of Korea sa Pilipinas, matapos lumabas ang isyu ay ininspeksyon ng kanilang Ministry of Environment, Korea Customs Service at Ministry of Foreign Affairs ang business site ng exporter sa Pyeongtaek City.

Dito nila natuklasan na mayroon pang ibang mga plastic wastes na may kasamang mga alien materials na hindi dumaan sa tamang recycling process sa warehouse ng kumpanya.

Ayon pa sa Ministry of Environment at Korea Customs Service, bukod sa hindi pagdaan sa tamang recycling process, misdeclared ito at forged o pineke ang mga export documents na ginamit.

Dahil dito, noong Myerkules ay sinimulan na ng pamahalaan ng Korea ang proseso upang maibalik sa kanilang bansa ang mga waste material na ipinadala sa Pilipinas.

Gumagawa na rin ito ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag ng exporter sa Article 18-2 ng Law on Cross-border movement and Disposal of Wastes ng bansa o ang false export declaration.

Pinigilan na rin nito ang kumpanya na mai-export ang iba pang containers na nasa warehouse nito.

Nangako rin ang Korean government na kumikilos na ang mga concerned agency sa kanilang bansa para sa mabilis na repatriation at pagdidispose ng mga naturang waste material at gumagawa ng paraan upang hindi na ito maulit.

Dumating sa Mindanao International Container Port noong nakaraang Hulyo ang waste material mula Korea sa pamamagitan ng exporter na Verde Soko II Industrial Corporation.

Natuklasang may hazardous waste material ang mga ito ng ireklamo ng mga residente na mayroong masamang amoy na nanggagaling dito.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,