Hindi kumbinsido si Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar sa paliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung bakit kailangang mag-angkat ang bansa ng galunggong.
Sa pagdinig ng Senado kahapon, sinabi ni BFAR Deputy Director Sammy Malvas, ang planong 17,000 metric tons na importasyon ng galunggong ay dahil sa kakulangan ng supply nito sa bansa, na siya namang nagpapataas ng presyo nito sa merkado na umaabot na ng 180 hanggang 200 piso bawat kilo.
Hindi na rin aniya bago ang pag-aangat na ito ng isda, dahil noon pa man ay may nangyayari nang importasyon ng galunggong na ginagamit sa canning at processing.
Dagdag pa ng senadora, hindi kailangan mag-import para idaing. Wala ring shortage sa galunggong at labag sa batas ang pag-aangkat nito.
Posible aniyang ang mga ini-import pa noon na mga galunggong ay ibinabagsak din direkta sa mga wet market, ito aniya ang magiging dahilan para patayin ang hanap-buhay ng mga mangingisdang Pilipino.
Ayon sa senadora, sa halip na mag-angkat ay maghanap na lamang ng ibang alternatibo tulad ng pagtatayo ng multi-species marine hatchery sa ilang munisipalidad upang maresolba ang isyu sa mababang suplay ng isda.
Nagbiro pa ng mambabatas na huwag na lamang kumain ng galunggong.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: BFAR, Galunggong, Senado