Banta ng anomang pag-aresto, hindi na ikinababahala ni Sen. Trillanes matapos ilabas ang ruling sa kasong kudeta

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 24926

Natanggap na kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV ang desisyon ng Branch 148 ng Makati Regional Trial Court na hindi pumapabor sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na paglalabas ng alias warrant of arrest laban sa senador dahil sa kasong kudeta.

Ang hiling na ito ng DOJ ay matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Duterte ang amnestiya na tinanggap ng senador noong 2011. Natuwa naman ang senador sa desisyon na ito ng korte.

Ayon sa legal counsel ng Senador na si Atty. Rey Robles, ipinapakita lang ng desisyon na ito na kinakatigan ng korte ang kanilang posisyon na nakumpleto ng senador ang mga kinakailangan sa pagkuha niya ng amnestiya, maging ang kasong kudeta ay nananatili na umanong sarado. Nakahinga na rin ng maluwag ang senador at wala na umanong banta ng anumang pag-aresto sa kaniya kabilang na ang banta ng court martial.

Hihintayin na lamang ng kampo ni Trillanes ang kalalabasan ng inihain nitong motion for reconsideration sa Branch 150 ng Makati RTC para sa kasong rebelyon. Maging ang deliberasyon sa Korte Suprema kaugnay ng ligalidad ng proklamasyon ni Pangulong Duterte ay pinaghahandaan na rin ng senador.

Para kay Senator Bam Aquino, hindi lamang ito tagumpay ni Trillanes kundi tagumpay rin ng rule of law sa bansa.

Nirerespeto naman ng Malakanyang ang desisyon ng korte at sinabing welcome naman sa kanila ang pagpapatibay ng korte sa proklamasyon ni Pangulong Duterte. Tanda na ang administrasyon umano ay walang ginagawang political persecution sa kaniyang mga kritiko.

Ipapaubaya na lamang rin ng Malakanyang sa DOJ at Office of the Solicitor General ang susunod na hakbang kaugnay ng kaso ng senador.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,