Bangsamoro Organic Law para sa Bangsamoro region o BBL, lusot na sa bicameral conference committee

by Radyo La Verdad | July 19, 2018 (Thursday) | 20765

Umabot ng anim na pagdinig ang bicameral conference committee bago tuluyang magkasundo sa mga magkakontrang probisyon ng dalawang bersyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Kagabi ay inaprubahan ng bicam ang panukalang Bangsamoro Organic Law. Ilan sa mga mambabatas ay naging emosyonal matapos ang ilang araw na mainit na debate para sa pagpapasa ng BBL.

Sa pamamagitan ng Bangsamoro Organic Law na ito, bubuwagin ang kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ipapalit ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Isa sa mga mainit na pinagdebatihan ng bicam ay ang tungkol sa plebisitong isasagawa para sa ibang barangay na nais sumama sa Bangsamoro Region.

Dahil dito, para makasama sa Bangsamoro Region ang anim na munisipalidad ng Lanao del Norte at 39 barangays ng North Cotabato, kailangan bumoto ang mother unit o mismong buong probinsya.

Limampu’t lima ang magiging kapangyarihan ng Bangsamoro government. Kabilang na rito ang fiscal autonomy, kung saan may kapangyarihan ito na mangasiwa sa budget ng rehiyon.

Aabot ng hanggang 70 bilyong piso ang block grant na ipagkakaloob ng national government sa Bangsamoro region at bahala ang Bangsamoro government kung paano ito gagastusin.

Naniniwala si Senator Franklin Drilon na ito ay papasa sa Saligang Batas, ngunit may isang isyu aniya na tiyak na kukwestiyunin sa Korte Suprema.

Ang pagpapasa ng Bangsamoro Organic Law para sa Bangsamoro region ay nangangahulugan aniya na hindi na kailangan ng charter change para lamang makamit ang layunin na magkaroon ng sariling pamamahala ang mga local government units.

Umaga ng ika-23 ng Hulyo, Lunes, sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 17th Congress nakatakdang ratipikahan ang panukalang Bangsamoro Organic Law.

Inaasahang agad din itong lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas sa mismong araw rin ng kaniyang State of the Nation Address (SONA).

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,